--Ads--

Sumiklab ang malaking sunog sa Dipintin, Maddela, Quirino kahapon, May 4 matapos masunog ang isang above ground tanker at oil tanker sa NTL Compound.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO4 Joas Bulayang, Officer-in-charge ng Maddela Fire Station, sinabi niya na ang naturang compound na nagsusuplay ng langis sa ilang mga gasolinahan sa Quirino.

Aniya, dakong alas-2 ng hapon nitong Lunes, nang matanggap nila ang ulat at nang dahil sa sobrang laki na ng apoy ay umabot sa ikatlong alarma ang sunog dahilan upang humiling sila ng augmentation mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Santiago at San Agustin, Isabela.

Sa kabuuan ay umabot sa sampung fire tracks at nagtulong-tulong kabilang na ang ilang mga fire volunteers upang apulahin ang sunog na inabot ng tatlong oras bago ito maitalang fire out.

--Ads--

Gayunpaman, nagsagawa pa rin sila ng overhauling upang matiyak na hindi na mag-rekindle ang sunog na inabot ng hanggang hatinggabi.

Ayon kay SFO4 Bulayang, hinaluhan nila ng sabong panlaba ang tubig na nakatutulong upang mas mabilis na makontrol ang sunog lalo na at flamable ang nasusunog.

Sa ngayon ay under investigation pa ang pangyayari upang matukoy kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Pinuri naman niya ang katapangan ng mga rumespondeng bumbero dahil sa kabila ng napakalaking apoy at tindi ng init ng panahon ay nagawa pa rin nilang maapula ang sunog at matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Hindi naman na nadamay ang ilang mga kalapit na establishimento dahil matataas ang bakod ng compoud.

Dahil dito ay paiigtingin ng BFP Maddela ang inspeksyon at pagsasagawa ng training sa mga barangay at establishimento upang maiwasan ang mga kaalintulad na insidente.