Mahigit 200,000 residente o utility customers sa Hawaii ang nawalan ng suplay ng kuryente nitong Linggo matapos hagupitin ng Hurricane Lala ang naturang isla bago ito humina at naging isang tropical storm.
Ayon sa mga awtoridad, umabot sa halos 219,000 customers ang walang kuryente pagsapit ng tanghali ng Linggo. Sa Oahu, ang pinakamataong isla sa Hawaii, bumaba naman ang bilang ng mga apektado mula sa mahigit 220,000 patungong humigit-kumulang 130,000 matapos magsimula ang mga pagsasaayos sa mga napinsalang linya ng kuryente.
Sinabi ni Hawaii Governor Josh Green na nakatanggap sila ng mga ulat na hindi bababa sa 100 kabahayan ang nasira dahil sa malalakas na hangin at matinding pagbaha na dulot ng bagyo.
Sa pinakahuling ulat ng National Hurricane Center, kumikilos ang Lala pakanlurang-hilagang kanluran sa bilis na 26 kilometro kada oras at may pinakamalakas na hanging umaabot sa 105 kilometro kada oras. Bagama’t humina na ito mula sa pagiging hurricane, nananatiling nakataas ang tropical storm warning sa mga county ng Maui, Oahu at Kauai.
Nauna nang sinabi ng Hawaiian Electric na nahihirapan ang kanilang mga tauhan sa pagkukumpuni ng mga linya ng kuryente dahil sa mga natumbang puno at mga kalsadang binaha bunsod ng malalakas na hangin at pag-ulan.
Iniulat din ng mga opisyal ng estado na nagdulot ang Lala ng malawakang pagbaha sa katimugang bahagi ng Hawaii, na inilarawang isa sa pinakamatinding naranasan sa lugar.
Samantala, isang katao ang naiulat na nasawi sa isang aksidenteng may kinalaman sa sasakyan habang nananalasa ang bagyo. Dahil dito, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at iwasan ang hindi kinakailangang paglabas.
Batay sa mga kuhang video ng Hawaii Department of Transportation, umapaw ang baha sa ilang pangunahing kalsada habang iniulat naman ng National Weather Service na dalawang bahay ang inanod ng rumaragasang tubig-baha.
Nasa 117 katao rin ang pansamantalang nananatili sa mga evacuation center. Bagama’t muling binuksan ang lahat ng paliparan sa estado, pinayuhan pa rin ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa kanilang mga airline para sa mga pinakahuling abiso kaugnay ng kanilang mga biyahe.











