--Ads--

Nagsagawa rin ngayong araw ng sabayang earthquake drill ang ilang establisimyento at paaralan sa Lungsod ng Cauayan bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng publiko sakaling tumama ang malakas na lindol.

Kabilang sa mga lumahok sa aktibidad ang isang malaking mall sa lungsod, kung saan isinagawa ng mga empleyado, tenant, at mga mamimili ang wastong mga hakbang sa panahon ng lindol, kabilang ang “Duck, Cover, and Hold” at maayos na paglikas patungo sa mga itinakdang evacuation area.

Ayon kay Ginoong John Philip Baysac, mall manager ng naturang establisimyento, mahalagang regular na magsagawa ng mga ganitong pagsasanay upang maging handa ang lahat sa oras ng sakuna.

Binigyang-diin niya na ang earthquake drill ay hindi lamang isang obligasyon kundi isang mahalagang hakbang upang maprotektahan ang buhay at kaligtasan ng mga empleyado, kostumer, at iba pang mamamayan sakaling magkaroon ng aktuwal na lindol.

--Ads--

Samantala, nakiisa rin ang iba’t ibang paaralan sa lungsod sa isinagawang drill upang masanay ang mga mag-aaral at guro sa tamang pagtugon sa mga emergency situation.

Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, patuloy na isinusulong ng mga lokal na institusyon ang kultura ng kahandaan at pagiging alerto laban sa mga sakunang maaaring idulot ng lindol.