--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na natutuwa ang rank 2 sa katatapos na Philippine Nurses Licensure Examination matapos makakuha ng 91.80% na marka.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jim Jerico Cedric Uy, tubong Piat, Cagayan at Rank 2 sa Philippine Nurses Licensure Examination, sinabi niya na pagkatapos niyang kumuha ng pagsusulit ay hindi siya kampante na makakapasa siya ngunit napalitan lahat iyon ng tuwa nang lumabas ang resulta.

Una anya siyang tinawagan ng kanyang dating clinical instructor na siya ang rank 2 ngunit hindi siya agad naniwala dahil ang pagkaka-aalam niya ay May 17 pa lalabas ang resulta.

Ngunit nang makumpirma niya ito ay agad siyang nagtungo sa kaniyang mga magulang at napaiyak na lamang sila nang makita ang resulta ng pagsusulit.

--Ads--

Aminado naman siya na inasam niyang makapasok sa Top 10  kung kayat pinaghandaan niya ito ng maigi. Gayunman, hindi anya niya binigyan ng pressure ang sarili upang manguna sa exam.

Ayon kay Uy, noong una ay hindi pa niya alam kung ano ang kukuning kurso kaya’t humingi siya ng gabay kay Mama Mary at pakiramdam niya nursing ang nais ng panginoon para sa kanya kung kayat ito rin ang kanyang kinuhang kurso.

Iniaalay naman niya ang tagumpay sa panginoong Jesukristo at kay Mama Mary na nagsilbi niyang gabay simula enrolment haggang sa board exam at sa kanyang pamilya na walang sawang sumuporta sa kanya.