--Ads--

Mamahaling sapatos, nakuha sa pag-iingat ng nag-shoplift na estudyante

CAUAYAN CITY -Nadakip ang isang mag-aaral makaraang mag-shoplift sa malaking mall sa Cauayan City.

Una rito ay napansin ng guwardiya ang nasabing mag-aaral na may kahina hinalang galaw kayat kanyang sinundan.

Dito naaktuhan ng guwardiya ang suspek na inilalagay sa kanyang dalang plastic ang isang pares ng mamahaling sapatos na nagkakahalaga ng mahigit P/3,000.00 kabilang na ang isang bracelet , isang earphone at 2 pares ng medyas.

--Ads--

Matapos ilagay ng nasabing mag-aaral ang mga naumit sa kanyang plastic bag ay dali daling umalis ngunit nasundan siya ng guwardiya ng nasabing mall .

Dinakip ang mag-aaral at dinala sa himpilan ng pulisya.

Inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ng mag-aaral, isang menor de edad na taga Reina Mercedes, Isabela na nagawa lamang niya ang pagnanakaw dahil sa pangangailangan.

Inihahanda ng pulisya ang kasong theft laban sa nasabing mag-aaral na hindi na pinangalanan.