Opisyal nang inilabas ng tambalang Marian Rivera at Dingdong Dantes ang poster ng kanilang nalalapit na pelikulang “Remember,” na mapapanood sa mga sinehan sa buong bansa simula Nobyembre 11, 2026.
Ipinakita ang final poster sa harap ng kanilang mga tagahanga.
Ayon sa synopsis na inilabas, umiikot ang kuwento sa isang mag-asawang matagal nang hindi nagkakasundo at tila nakalimutan na ang kahulugan ng pagmamahalan. Napilitan silang magkunwaring magkasama muli para sa kanilang anak na unti-unting nawawalan ng alaala.
Ipinahayag nina Dantes at Rivera ang kanilang kasiyahan sa unang pagkakataong makita ang opisyal na poster ng pelikula, na anila ay espesyal na bahagi ng kanilang proyekto.
Kinunan ang pelikula sa Quebec, Canada, sa direksiyon ni Mae Cruz Alviar.
Kabilang din sa cast sina Joross Gamboa, Kyle Echarri, Ana Abad Santos, Carla Humphries, Aiza Marquez, Jobert Austria, Jeff Lamay, Dominic Lorange, at Zia Grace, na gaganap bilang anak ng mga karakter nina Rivera at Dantes.







