Na-rescue ng mga pulis sa Oviedo, Spain, ang tatlong bata na naka-isolate sa isang malaking bahay.
Itinago ang mga bata ng kanilang magulang sa kanilang bahay sa loob ng apat na taon.
Naging obsessed ang mga magulang na hindi mahawahan ang tatlong bata ng sakit na coronavirus.
Isang babaeng tsismosa naman ang naging daan para ma-rescue ang tatlong bata.
Ang babaeng Marites ay nakilala lang sa pangalang Sylvia, batay sa ulat ng Spanish news website na El Español noong May 2, 2025.
Siya ang nagpabatid sa pulisya tungkol sa kakaibang napapansin niya sa tahanan na katapat lang ng kanyang bahay.
Dahil may pagka-Marites si Sylvia, mula nang lumipat sa kanilang lugar ang mag-anak noong kasagsagan ng pandemya ay naging curious siya sa mga ito.
Inililista niya ang mga aktibidad ng mag-anak.
Naobserbahan niyang tanging ang ama ng mga bata ang lumalabas ng bahay at ito ay para lang kunin ang groceries na idini-deliver sa labas ng pintuan.
Napansin din niyang ang tatlong bata ay sandali kung sumilip lang sa bintana, at pagkatapos ay isasara nang muli ang blinds.
Naitala rin ni Sylvia kung anong oras lang nasilip ang mga bata sa bintana—tuwing alas singko diez ng hapon.
May isa pang bagay na napansin si Sylvia na siyang nakapag-trigger sa kanyang mag-report na sa pulisya.
Laging nagpapa-deliver ang pamilya ng diapers, kahit pa sa tingin niya, ang mga bata ay edad walo hanggang sampu na.
Matapos namang pag-aralan ng pulisya ang mga ebidensyang inihain ni Sylvia, nagdesisyon ang mga awtoridad na may nangyayari ngang kakaiba sa pamilya at sinimulan nilang mag-imbestiga.
At lumantad sa mga pulis ang nakakagulat na katotohanan.
Nakasarado lahat ang mga bintana ng bahay, nakabukas ang halos isang dosenang air purifier, ang mga bata na dalawang eight-year-old twins at isang ten-year-old na laging naka-diapers.
Matapos ma-rescue ang mga bata at masuri ng mga doktor, natuklasang dumaranas sila ng severe constipation dahil hindi sila pinapayagang gumamit ng bathroom.
Pinipilit kasi ng kanilang magulang na huwag silang maparumi hangga’t kaya nilang tiisin, kaya panay sila naka-diapers.
Sa isinagawang imbestigasyon, natakot umano ang magulang ng mga bata na mamatay ang mga ito kapag tinamaan ng coronavirus.
At para mailigtas ang mga bata sa virus, dinala nila sa Spain at nagrenta ng malawak na villa para ma-isolate ang mga ito.
Pinagsusuot din ang mga ito ng tatlong magkakasaping facemasks.
Nakilala ang mag-asawang kapitbahay ni Sylvia na sina Christian Steffen at Melissa Ann Steffen.
Isang German si Christian, at American naman si Melissa.
Napag-alaman na mula sa Germany ay dinala ng mag-asawa ang kanilang tatlong anak sa Oviedo, Spain noong December 2021—na kasagsagan pa rin ng Covid-19 pandemic.
Sa kasalukuyan, isinasailalim ang mga anak nina Christian at Melissa sa medical and psychological evaluation.
Ibinahagi ng mga pulis na nagulat sila na nagsisigaw sa takot ang mga bata nang ilabas nila ang mga ito sa bahay at dalhin sa garden.
Tinatayang nagpanic ang mga bata dahil iyon ang unang pagkakataong nakalabas silang muli ng bahay mula taong 2021.
Ang mag-asawa ay nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso, kabilang ang domestic violence with habitual psychological abuse.
Samantala isang bayani naman ang turing kay Sylvia ngayon ng Spanish media.
Kung hindi sa kanyang pagka-Marites, hindi mailalantad ang nakatagong lihim nina Christian at Melissa.