Paiigtingin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga estudyanteng gumagamit ng motorsiklo sa pagpasok sa paaralan kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at maiwasan ang aksidente sa lansangan sa lungsod ng Cauayan.
Ayon kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division o POSD, bumaba ang bilang ng mga road accident matapos ang pagtatapos ng klase kaya muli nilang paghahandaan ang pagbabalik-eskwela sa pamamagitan ng full blast na pagbabantay at mas pinaigting na koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya.
Sinabi rin ni Mallillin na kabilang sa kanilang tututukan ang mga menor de edad at mga estudyanteng gumagamit ng motorsiklo nang walang kaukulang dokumento tulad ng driver’s license at rehistro ng sasakyan.
Kasabay nito, pinayuhan din niya ang mga magulang na huwag hayaang gumamit ng motorsiklo ang kanilang mga anak kung wala pang sapat na kakayahan sa pagmamaneho at kung hindi nakasuot ng tamang safety gear gaya ng helmet.
Binigyang-diin pa ng opisyal na mahalagang magkaisa ang mga magulang at paaralan upang mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante lalo na sa pagsisimula ng panibagong school year.









