Nakapagtala ng pagtaas sa konsumo ng kuryente ang ISELCO I Cauayan Branch kasabay ng patuloy na pagtaas ng temperatura sa lugar, na umaabot ngayon sa mas mainit na kondisyon kumpara sa mga nakaraang linggo.
Sa kabila nito, bumaba naman ang bilang ng mga consumer na napuputulan ng serbisyo, na itinuturing na positibong indikasyon ng mas maayos na pagbabayad at mas responsableng pagkonsumo ng kuryente ng mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Laarni San Antonio, branch supervisor ng ISELCO 1 Cauayan Branch, ipinaliwanag niyang karaniwang tumataas ang konsumo ng kuryente tuwing tag-init dahil sa mas mataas na paggamit ng mga appliances tulad ng electric fan, aircon, refrigerator, at iba pang cooling equipment sa mga kabahayan at establisyemento.
Dahil dito, posible umanong maapektuhan ang demand ng kuryente sa distribution system, kabilang ang pagtaas ng load sa ilang feeder lines, mas mabigat na daloy ng kuryente sa ilang barangay, at mas mataas na pressure sa supply lalo na tuwing peak hours sa hapon at gabi.
Pinaalalahanan din ng ISELCO ang publiko na makatutulong ang energy conservation tulad ng tamang paggamit ng appliances, regular na maintenance ng aircon at bentilador, at pag-iwas sa sabay-sabay na paggamit ng malalakas kumonsumong kagamitan upang maiwasan ang posibleng overloading.
Samantala, iniulat din ng opisyal na bumaba na lamang sa 900 ang bilang ng mga consumer na napuputulan ng serbisyo. Isa sa mga nakikitang dahilan dito ang mas maingat na pagbabayad ng mga residente, na maaaring dulot ng pangamba na mawalan ng kuryente sa gitna ng matinding init ng panahon, gayundin ang mas pinaigting na information drive ng kooperatiba tungkol sa due dates at payment options.











