Ipinaliwanag ng Cauayan City Water District (CCWD) na mataas na mineral content, partikular ang iron at manganese, ang pangunahing sanhi ng discoloration o pagbabago ng kulay ng tubig sa ilang bahagi ng West Tabacal Region sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager ng CCWD, sinabi niyang nagsagawa na sila ng flushing o paglilinis ng mga linya matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga concessionaire sa lugar.
Aniya, malapit nang matapos ang flushing sa isang bahagi ng main road mula Laguna hanggang Santa Luciana habang isinasagawa naman ngayong linggo ang paglilinis sa kabilang bahagi ng linya.
Bukod dito, nakatakda ring i-upgrade ng Water District ang filtration system sa West Tabacal Region upang mabawasan ang problema sa discoloration. Inaasahang magsisimula ang bidding sa Oktubre at posibleng ma-install ang bagong system bago matapos ang naturang buwan.
Gayunman, sinabi ni Engr. Supnet na hindi nila maipapangakong agad mawawala ang discoloration dahil kinakailangan pa ang bagong filtration system upang mas matugunan ang pinagmumulan ng problema.
Hinimok naman niya ang mga concessionaire na agad ireport sa Water District ang anumang pagbabago sa kulay o kalidad ng tubig, kasama ang eksaktong lokasyon, upang mabilis itong masuri at maaksyunan ng kanilang maintenance personnel at technical team.
Tiniyak ni Supnet na patuloy nilang minomonitor ang kalidad ng tubig upang matiyak na ligtas at potable ang suplay na naipagkakaloob sa mga residente ng Cauayan City.
Samantala, ang paglilinaw ay kaugnay ng reklamo ng ilang residente sa Brgy. Dabburab at Brgy. Culalabat na kung saan malabo o may kulay ang tubig sa kanilang lugar.









