Nagrereklamo ang ilang mga residente sa West Tabacal Region sa Cauayan City dahil sa hindi umano magandang kalidad ng tubig na isinusuplay ng Cauayan City Water District.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Saturnina Abad ng barangay Culalabat, sinabi niya na bagama’t wala pang formal complaint na natatanggap ang barangay, marami umano siyang naririnig na reklamo at nakikitang hinaing ng ilan sa kaniyang mga kabarangay hinggil sa hindi malinaw o ibang kulay ng tubig na lumalabas sa kanilang gripo.
Aniya, personal din niyang naranasan na maging kulay-gatas ang tubig na kadalasang nangyayari tuwing madaling araw subalit nagtatagal lamang umano ito ng isa hanggang dalawang oras ngunit hindi naman ito palaging nararanasan.
May mga nababanggit din aniya ang ilang mga residente na nagiging kulay krema ang kanilang puting damit kapag naglalaba.
Gayunman, nauunawaan umano nito kung bakit minsan ay nagkakaroon ng amoy chlorine dahil posibleng bahagi ito ng paglilinis o maintenance ng water system.
Nanawagan naman si Abad sa mga residente na a pormal na iparating sa barangay at sa Cauayan City Water District ang kanilang mga reklamo upang agad na matugunan ang kanilang hinaing.
Samantala, nanindigan ang Cauayan City Water District na wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo hinggil sa umano’y marumi at may kakaibang kulay na tubig na nararanasan ng ilang residente sa West Tabacal Region ng Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, manager ng Cauayan City Water District, sinabi niya na hindi nila agad maimbestigahan at matutugunan ang isyu kung wala namang pormal na reklamo na inihahain sa kanilang tanggapan.
Gayunman, ipinaliwanag niya na sa Lambak ng Cagayan ay mataas ang mineral content sa ilalim ng lupa, partikular ang iron at manganese, dahilan upang paminsan-minsan ay magkaroon ng pagbabago sa kulay ng tubig.
Ayon sa kanya, naglaan na ng pondo ang water district para sa filtration system sa mga lugar tulad ng barangay Culalabat at Dabburab at nagsasagawa rin sila ng regular na paglilinis ng mga tangke at mga linya ng tubig upang mapabuti ang kalidad nito.
Sinabi rin ni Supnet na posible ring naaapektuhan ang kalidad ng tubig dahil sa mga isinasagawang construction activities sa lugar na maaaring nakaaapekto sa mga linya ng tubig lalo na kapag mayroong natatamaan na linya ng tubig.
Isa rin sa mga posibleng dahilan ng panlalabo o pagdidiskolor ng tubig ay ang mga brownout. Aniya, ang ilang bahagi ng kanilang linya ay gumagamit ng GI at BI pipes na corrosive o madaling kalawangin. Kapag nawalan ng suplay ng tubig dahil sa brownout, nagkakaroon ng oxidation sa loob ng mga tubo na nagdudulot ng build-up ng kalawang.
Sinabi niya na kapag bumalik ang kuryente at tumaas muli ang pressure ng tubig, maaaring sumama ang naipong kalawang sa daloy ng tubig at magdulot ng turbidity o paglalabo nito.
Dahil dito, hinimok ni Supnet ang mga concessionaire na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan kung makararanas ng maruming tubig upang agad na maisagawa ang flushing ng linya.
Binigyang-diin niya na 24/7 na bukas ang mga linya ng komunikasyon ng kanilang tanggapan at mayroon silang team na regular na nagsasagawa ng flushing sa mga endpoint ng kanilang water distribution system.
Muli namang nanawagan ang Cauayan City Water District sa kanilang mga concessionaire na direktang maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan upang agad na matugunan ang anumang suliranin sa suplay at kalidad ng tubig.











