--Ads--

Nilinaw ni Cauayan City Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. na isinailalim sa muling paggawa ang ilang bahagi ng bagong gawang kalsada sa Barangay Labinab matapos matukoy sa inspeksyon na hindi pumasa sa itinakdang pamantayan ang ilang bahagi nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Dy, sinabi niyang may mga katuwang ang lokal na pamahalaan sa pag-iinspeksyon ng mga proyekto upang matiyak na naaayon sa pamantayan ang mga ito, kabilang ang Department of the Interior and Local Government o DILG at Department of Public Works and Highways o DPWH.

Ayon sa Alkalde, maagang nag-flake o nagpulbos ang ibabaw ng ilang bahagi ng kalsada, kaya kinakailangan itong ulitin.

Sinabi ng alkalde na sinulatan na ng lokal na pamahalaan ang kontraktor at ipinag-utos na ayusin at ulitin ang naturang bahagi ng proyekto.

--Ads--

Gayunman, giit ni Mayor Dy na hindi substandard ang buong proyekto, kundi nagkaroon lamang ng problema sa ibabaw ng kanilang pagkakaseemento na naging dahilan upang ipaulit ang apektadong bahagi.

Binigyang-diin naman ng alkalde na walang magiging dagdag na gastos sa lokal na pamahalaan para sa muling paggawa dahil nakahold pa ang bayad sa kontraktor.

Ayon kay Mayor Dy, hindi pa makukuha ng kontraktor ang bayad mula sa LGU hangga’t hindi nito naisasagawa ang kinakailangang trabaho.

Matatandaang ilang bahagi ng kalsada sa Barangay Labinab ang muling binutas matapos isailalim sa inspeksyon, kasunod ng pagtukoy sa mga bahaging kinakailangang ayusin.

Naging dahilan naman ito ng pangamba ng ilang residente dahil sa kaligtasan ng mga motorista, partikular sa gabi, dahil sa mga bahaging pansamantalang binuksan habang isinasagawa ang pagkukumpuni.

Patuloy namang mino-monitor ng LGU, kasama ang mga katuwang na ahensya, ang naturang proyekto upang matiyak na maisasagawa nang maayos ang kinakailangang pag-uulit sa kalsada.