--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinuspinde ng Sangguniang Panlalawigan ng Quirino ng mahigit 10 buwan ang punong bayan ng Nagtipunan dahil sa kinakaharap na administratibong kaso.

Kahapon ay isinilbi ang suspension order kay Mayor Nieverose Meneses matapos ang naging reklamo ng nasuspindeng tourism officer ng bayan ng Nagtipunan na si Loyd Lozado Toloy sa tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan.

Nakasaad sa suspension order na si Mayor Meneses ay guilty sa administrative offense of Oppression and abuse of Authority na may 5 buwan at 15 araw na pagkakasuspinde.

Guilty din ang alkalde sa paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 at may 5 buwang pagkakasuspinde.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng complainant na si Toloy na natutuwa siya dahil nakita ng Sangguniang Panlalawigan ang totoong nangyayari sa kanilang bayan.

Aniya, nag-ugat ang kanyang reklamo kay Mayor Meneses noong 2019 nang magkaroon ng halalan para sa overall chieftain ng tribo nilang bugkalot.

Iba aniya ang kanyang sinuportahan at hindi ang ama ng kanilang Mayor at dito na rin nagsimula ang panghaharass sa kanya hanggang sa masuspinde siya bilang tourism officer ng dalawang buwan at hanggang ngayon ay hindi pa siya sumasahod na wala namang batayan.

Aniya, hindi niya sinuportahan ang ama ng kanilang Mayor dahil sa halos dalawang dekada na naging overall chieftain ito sa kanilang tribu ay wala namang nagawa na maganda.

Ayon kay Toloy, maraming ginagawa na hindi maganda sa bayan ng Nagtipunan ang kanilang Mayor.

Mula nang umupo ito na Mayor ay sinususpinde niya ang mga kumakalaban sa kanya kaya maraming empliyado sa kanilang munisipyo ang takot pero dahil hindi na niya kaya ang ginagawa nito sa kanilang bayan ay naglakas loob na siyang magreklamo.

Dahil dito, ang panalo niyang ito ay hindi lamang para sa kanya kundi lahat sila na nagtatrabaho sa lokal na pamahalaan ng Nagtipunan.

Nilinaw naman niya na wala itong kinalaman sa pulitika dahil dumaan sa tama ang lahat.

Hiling niya ngayon na kapag umupo na ang kanilang OIC Mayor ay dapat maibalik siya sa dati niyang trabaho.

Payo niya kay Mayor Meneses na tanggapin ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan dahil ibinatay ito sa mga ebidensya na naiprisinta sa kanila.

Tinig ni Loyd Lozado Toloy.

Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag ang kampo ni Mayor Meneses pero maglalabas na lamang umano sila ng opisyal na pahayag sa mga susunod na araw.