Inakusahan ng mga awtoridad sa Mexico ang isang mayor na pineke ang kanyang sariling pagkidnap upang pagtakpan ang umano’y pagkawala ng milyun-milyong piso mula sa pondo ng kanilang bayan.
Ayon sa imbestigasyon, si Mayor Nancy Napoles at ang kanyang pamilya ay umano’y nakipagsabwatan sa mga suspek upang magsagawa ng pekeng kidnapping at magamit bilang dahilan ang P40 milyong ransom na kukunin sana mula sa kaban ng munisipyo.
Natuklasan din ng mga awtoridad ang mahigit 150 tawag sa pagitan ng pamilya ng mayor at ng mga suspek. Itinanggi naman ni Napoles ang paratang at sinabing bahagi lamang ito ng sabwatan upang sirain ang kanyang karera sa politika.
Pinaghahanap na ang kanyang asawa at kapatid, habang nahaharap ang mayor at mga kasabwat nito sa posibleng hanggang 16 na taong pagkakakulong kung mapatutunayang nagkasala.









