Muling hiniling ng ilang abogado sa Korte Suprema na maglabas ng status quo ante order at iba pang pansamantalang kautusan upang ihinto ang nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte habang dinidinig ang mga petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng proseso.
Sa 16-pahinang very urgent manifestation with motion na inihain ng grupo ni Atty. Israelito Torreon, sinabi nilang may mga bagong pangyayari sa impeachment trial na dapat umanong isaalang-alang ng Korte Suprema, kabilang ang pagpili sa mamumunong opisyal ng impeachment court.
Ayon sa mga petitioner, nararapat na resolbahin muna ng mataas na hukuman ang mga usaping konstitusyonal kaugnay ng awtoridad ng presiding officer bago magpatuloy ang paglilitis upang mapanatili ang integridad ng proseso.
Tinukoy nila ang pagkakahalal kay Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court noong unang araw ng paglilitis. Anila, may umiiral na pagtatalo kung sino ang may karapatang mamuno sa impeachment proceedings matapos amyendahan ang mga patakaran ng Senado.
Binanggit din ng mga petitioner ang umano’y mga isyung konstitusyonal na may kaugnayan sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3 at sa mga pagbabagong ginawa sa Rules of Procedure on Impeachment Trials na nagbigay-daan upang makapili ng ibang senador bilang presiding officer.
Iginiit ng grupo na kung magpapatuloy ang paglilitis habang hindi pa nalulutas ang mga isyung ito, maaaring humantong sa pagdeklara na walang bisa ang buong impeachment trial sakaling mapatunayang may depekto sa pagkakabuo o pamumuno ng impeachment court.
Matatandaang naghain ng petisyon sina Torreon at iba pang abogado noong Marso upang hilingin sa Korte Suprema na magpalabas ng temporary restraining order laban sa impeachment proceedings. Naghain din ng hiwalay na petisyon si Duterte noong Marso 30.
Sa kasalukuyan, apat na petisyon na may kaugnayan sa impeachment proceedings ang nakabinbin sa Supreme Court of the Philippines, kung saan dalawa na ang pinagsama para sa sabayang pagdinig at pagresolba.











