Nailigtas ng mga reservist ng Philippine Air Force (PAF) at mga tauhan ng Air Reserve Center (ARCEN) ang grupo ng mga guro matapos magsimulang lumubog ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatan malapit sa Sacol Island noong Agosto 2, 2026.
Ayon sa mga rescuer, patungo sana sa Sacol Island ang mga guro mula sa Annex Campus ng Manicahan National High School nang magkaroon ng problema sa makina ang kanilang bangka.
Dahil dito, lumipat sila sa isang mas maliit na bangka. Gayunman, hindi nito kayang isakay ang lahat ng pasahero kaya pinasok ito ng tubig at nagsimulang lumubog.
Sa kabutihang palad, sakay ng mas malaking bangka na nasa likuran lamang ng mga guro ang mga reservist ng PAF at mga tauhan ng ARCEN.
Agad silang rumesponde matapos mapansin ang insidente at ligtas na isinakay sa kanilang bangka ang lahat ng mga guro.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.











