
CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni Governor Carlos Padilla ang pagkakatala ng kaso ng Delta Variant sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Padilla na clinically recovered na ang pasyenteng kinapitan ng Delta Variant batay na rin kay Dr. Edwin Galapon, ang Head ng Provincial Task Force on COVID-19.
Ang pasyenteng gumaling na sa delta variant ng COVID-19 ay isang OFW na galing sa Dubai at tubong Bagahabag, Solano, Nueva Vizcaya.
Nakarating siya sa Pilipinas noong June 15 na unang nagnegatibo sa SWAB test at sumailalim sa hotel quarantine hanggang June 30.
Noong June 2 ay umuwi siya sa Solano, Nueva Vizcaya at sumailalim sa home quarantine.
Muli siyang sumailalim sa RT PCR test noong July 8 at nagpositibo sa COVID-19 at kalaunan ay naideklarang clinically recovered noong July 20.
Ayon pa kay Governor Padilla, wala namang naitalang surge kasunod ng pagkakatala ng Delta variant sa Solano ngunit patuloy ang kanilang monitoring at pagpapatupad ng mahigpit na health protocols upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Siniguro niya na mahigpit pa rin ang mga ipinapatupad na protocol pangunahin na ang mga panuntunan laban sa COVID-19 at ang pagpapaigting sa pagsasagawa ng contact tracing.
Sa isinagawang pagpupulong ng kanilang Provincial IATF ay natalakay ang maaring pagdagdag ng mga quarantine facility sa mga bayan sa probinsiya, pagdagdag sa mga Personal Protective Equipment (PPE) ng mga Healthcare Workers at paghihigpit sa mga Checkpoints.
Patuloy na pinag-iingat ng Punong Lalawigan ang mga residente at hinimok na patuloy na tumugon sa mga health protocols upang malabanan ang paglaganap ng COVID-19.










