--Ads--

Nagkamit ng unang gantimpala si Dr. Mark-Jhon Prestoza, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Isabela State University (ISU), sa 76th Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoryang Tula para sa mga Bata sa Dibisyong Filipino.

Kinilala ang kaniyang koleksyon ng sampung tulang pambata na pinamagatang “Kapag Humuni ang Kuliglig,” na hinugot ang inspirasyon sa mga payak na karanasan ng pagkabata at mga pamilyar na takbo sa buhay ng mga pamilyang Pilipino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Prestoza, sinabi nitong nais niyang ipakita na maging ang mga ordinaryong pangyayari sa buhay ay maaaring magtaglay ng malalim na kahulugan na naglalayong buksan ang isang daigdig na puno ng gunita, guni-guni at pagninilay.

Aniya, hindi niya pangunahing layunin na makakuha ng parangal nang simulan niyang likhain ang mga tula noong 2025. Natapos niya ang koleksiyon noong Enero at isinumite sa kompetisyon noong Pebrero 2026.

--Ads--

Aminado siyang malaking sorpresa ang kaniyang pagkapanalo, lalo’t umabot sa 3,040 ang mga lumahok sa naturang patimpalak.

Naniniwala siyang isa sa naging kalakasan ng kaniyang akda ang pagbigay-pansin sa karanasan ng mga pamilyang nasa lalawigan at ang pagpapakita na hindi lamang lungsod matatagpuan ang mga kuwentong may kakayahang makaugnay sa mas malawak na mambabasa.

Plano rin niyang mailathala bilang isang libro ang koleksion sa susunod na taon, kalakip ang mga ilustrasyon upang higit na mapalapit ang mga batang mambabasa sa kanyang tula.

Samantala, ibinahagi rin ni Prestoza ang kaniyang pananaw sa paggamit ng artificial intelligence o AI sa  malikhaing pagsusulat.

Ayon sa kaniya, maaaring makatulong ang AI sa pagbuo ng mga ideya, pag-oorganisa ng kaisipan at pagrerebisa ng mga akda, subalit hindi nito kayang ganap na palitan ang isang manunulat dahil nakaugat ang panitikan sa tunay na karansan, damdamin, gunita at imahinasyon ng isang tao.

Samantala, ginawaran din ng  Komisyon sa Wikang Filipino ang Sentro ng Wika at Kultura ng ISU na pinamumunuan ni Dr. Prestoza ng Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura bilang pagkilala sa mga programa nito sa pagsusulong wika at kultura.

Aniya, kabilang sa kanilang programa ang pagpapalawak ng paggamit ng Filipino sa mga opisyal na komunikasyon ng pamantasan at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa pangangalaga ng mga katutubong wika.

Nagsasagawa rin sila ng mga gawaing pangwika at pampanitikan, gayundin ng pangangalap at paglalathala ng mga kuwentong-bayan ng iba’t ibang pangkat-etniko sa rehiyon.

Samantala, sinabi ni Prestoza na nais niyang gamitin ang mga natamong pagkilala bilang pagkakataon upang higit pang mahikayat ang mga kabataan na pahalagahan ang pagbabasa, pagsusulat, at panitikan.

Binigyang-diin nito na hindi lamang mga akda at parangal ang pinakamahalagang pamana ng isang manunulat kundi ang mga buhay na kaniyang naantig, mga kabataang nagiging inspirasyon at mga kuwentong naiiwan para sa susunod na henerasyon.