Isinagawa ang National Simultaneous Safety Drill sa mga paaralan sa Cauayan City bilang bahagi ng paghahanda ng mga guro at mag-aaral sa posibleng mga emergency, kabilang ang active attack o pag-atake sa loob ng paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joel De Leon, Division Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Officer ng Schools Division Office- Cauayan, sinabi nitong isinailalim sa iba’t ibang scenario ang mga kalahok upang malaman ang nararapat nilang gawin sakaling magkaroon ng aktuwal na banta.
Ayon kay DRRM Officer De Leon, sinabi niyang sa active attack scenario, agad umanong inabisuhan ang school head at Incident Management Team o IMT matapos mapansin ang kahina-hinalang kilos ng isang indibidwal sa paligid ng paaralan.
Gumamit din ng partikular na alarm para sa naturang sitwasyon na iba sa ginagamit sa earthquake at fire drills.
Aniya, sa oras ng banta, isinara at ni-lock ng mga guro ang mga silid-aralan at pinanatili ang mga mag-aaral sa ligtas na lugar habang hinihintay ang pagresponde ng mga awtoridad.
Matapos matukoy at maresolba ang sinasabing banta, inilabas lamang ang mga mag-aaral mula sa kanilang mga silid-aralan matapos ideklara ang all clear.
Hindi rin umano sa mga bukas na lugar tulad ng covered court o field inilalagay ang mga mag-aaral sa ganitong sitwasyon, kundi sa mas ligtas at protektadong assembly area.
Kasunod ng drill, nagsagawa rin ng post-evaluation upang matukoy ang mga kakulangan at mga aspetong kailangan pang pagbutihin.
Kabilang sa napansin ng mga otoridad ang mabagal na pagkilos ng ilang mag-aaral at ang kakulangan ng mga lock sa loob ng ilang silid-aralan.
Ayon kay DRRM Officer De Leon, may mga classrooms na nasa labas ang kandado dahil sa disenyo ng mga ito, kaya dapat umanong mabigyan din ng kaukulang pondo ang paglalagay ng mga lock sa loob ng mga silid-aralan.
Iginiit nito na drill lamang ang isinagawang aktibidad at walang aktuwal na banta sa mga paaralan.
Layunin umano nito na mas mapataas ang awareness at kahandaan hindi lamang ng mga mag-aaral at guro kundi maging ng mga magulang sakaling magkaroon ng emergency o aktuwal na active attack sa mga paaralan.





