Dumadaing ngayon ang ilang tindera at residente sa Lungsod ng Cauayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng inflation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Merly Daoag, isang tindera sa lungsod, sinabi niyang ramdam na ramdam nila ang epekto ng pagmahal ng mga produkto, lalo na sa maliliit na negosyante at ordinaryong mamamayan.
Ayon sa kanya, halos araw-araw ay may pagtaas sa presyo ng mga paninda kaya’t naaapektuhan hindi lamang ang kanilang kita kundi maging ang kakayahan ng mga mamimili na makabili ng sapat na pangangailangan para sa kanilang pamilya.
Dagdag pa ni Daoag, marami sa kanilang mga mamimili ang napipilitang bawasan ang kanilang binibili dahil sa kakapusan sa budget. Dahil dito, umaasa sila sa tulong mula sa pamahalaan upang kahit paano ay mabawasan ang hirap na dinaranas ng mga residente.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga programang ayuda at iba pang suportang ipinagkakaloob ng gobyerno, lalo na sa panahon ng mataas na inflation at patuloy na pagtaas ng gastusin.











