Nangangamba ang maraming tsuper na baka pansamantalang tumigil sa pamamasada dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo habang hinihintay ang konkretong hakbang ng pamahalaan para maibsan ang kanilang pasanin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niyang nauunawaan nila na hindi kontrolado ng DOE ang presyo ng langis, ngunit dapat magkaroon ng plano ang pamahalaan para matulungan ang mga tsuper at motorista.
Aniya, hindi lahat ay nakikinabang sa ₱12 kada litro na fuel subsidy ng DOTr at LTFRB dahil jeepney at UV Express lamang ang kabilang dito, habang wala pa para sa tricycle, taxi at TNCs.
Dahil dito, magsasagawa ang mga transport group ng malakihang kilos-protesta o transport strike upang igiit ang konkretong solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Dagdag ni Lim, wala pa ring inaaprubahang fare increase kahit tumataas ang gastos sa pamamasada. Iminungkahi na rin nila ang deregulated fare para awtomatikong mag-adjust ang pamasahe batay sa pagtaas o pagbaba ng presyo ng langis.
Aniya, nauunawaan naman ng mga commuter ang posibleng pagtataas ng pamasahe, ngunit dapat ding matiyak na tataas ang kanilang sahod upang kayanin ang dagdag na gastos.
Nanawagan si Lim sa Malacañang na pakinggan ang mga panukala ng transport groups, lalo na’t maaari umanong hindi na kayanin ng ilang tsuper ang kanilang araw-araw na gastos at mapilitan silang huminto sa pamamasada.










