--Ads--

Aminadong nagkamali ang mga tsuper ng dalawang jeep na nag-viral kamakailan matapos magkarerahan sa bahagi ng Naguilian, Isabela habang maraming sakay na pasahero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa mga sangkot na jeepney drivers, sinabi ng mga ito na habang nasa biyahe pauwi ng San Mariano ay naisipan lamang nilang magkarerahan dahil bukod sa sila’y magpinsan, matagal na rin umano silang magkasama sa pamamasada.

Anila, hindi umano nila alam noong una na delikado ang kanilang ginawa at napagtanto na lamang ang kanilang pagkakamali matapos silang mag-viral online.

Maliban sa pagkakarerahan sa daan, marami rin ang pumuna sa pagiging overloading ng dalawang jeep. Makikita kasi sa viral video na parehong maraming estudyanteng sakay ang mga ito at ang ilan ay nakasabit at nasa itaas na bahagi ng jeep.

--Ads--

Paliwanag nila, hatid sundo talaga nila ang karamihan sa mga estudyanteng pasahero subalit pinagsasabihan naman umano nila ang ito na huwag sumabit dahil masisita sila ng mga awtoridad, gayunman, marami umano sa kanila ang sumasabit pa rin sa jeep.

Sa kabila nito, inaamin naman nila ang kanilang pagkakamali at handang humingi ng tawad kung kinakailangan. Nangako rin sila na hindi na uulitin ang pangyayari.

Una rito ay nakapanayam din ng Bombo Radyo Cauayan si Isabela Governor Rodito Albanao III at ayon sa kaniya, maaaring maharap sa kaukulang kaso ang mga tsuper dahil sa delikadong pagmamaneho.

Umaasa naman sila na bibigyan sila ng pangalawa pang pagkakataon dahil tanging ang pamamasada lamang ang kanilang pinagkakakitaan.