--Ads--

Hinimok ng Mines and Geosciences Bureau o MGB ang mga residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya na alamin muna ang mga umiiral na batas at tamang proseso bago magsagawa ng mga kilos-protesta o ihayag ang kanilang mga hinaing upang maiwasan ang mga gawaing maaaring humantong sa paglabag sa batas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MGB Regional Director Mario Ancheta, sinabi niyang dumaan sa kaukulang proseso at pagsusuri batay sa umiiral na mga batas at regulasyon ang pag-apruba ng national government sa isinasagawang mining-related activities sa lugar.

Ayon kay Ancheta, partikular na usapin ang isinagawang barikada dahil nakapuwesto umano ito sa isang public road. Dahil dito, may mga batas at regulasyong kailangang sundin at hindi maaaring basta harangan ang daanan o pigilan ang pagbiyahe ng mga taong may lehitimong dahilan upang makapasok o makadaan sa lugar.

Ipinaliwanag din ng opisyal na nakapag-isyu na ng Certificate of Consultation ang mga kinauukulang opisyal mula sa barangay, Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan bilang bahagi ng mga prosesong isinasagawa bago umabot sa exploration stage ang isang mining project.

--Ads--

Kapag positibo naman ang magiging resulta ng exploration at may matukoy na mapagkukunan ng mineral, hindi pa rito nagtatapos ang proseso. Susunod pa umano ang mas detalyadong konsultasyon sa mga komunidad, public hearing, pagsusuri sa project feasibility at iba pang kinakailangang assessment bago maaaring umusad sa mga susunod na yugto ng proyekto.

Kabilang din sa mga kinakailangang proseso ang pagkuha ng Environmental Compliance Certificate o ECC, na mahalaga upang masuri ang posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran at matukoy ang mga hakbang na kailangang gawin upang mapangalagaan ang mga apektadong lugar.

Samantala, kung walang matutukoy na mineral sa isinagawang exploration, sinabi ni Ancheta na kailangang isagawa ang rehabilitation ng mga drilling site. Kabilang dito ang pagtatanim muli ng mga puno at pagsasagawa ng mga hakbang upang maibalik sa maayos na kondisyon ang lugar bago ito tuluyang ibalik sa pamahalaan.

Aniya, ganitong proseso rin umano ang ipinatutupad ng Woggle Corporation sa mga drilling site na hindi nakitaan ng mineral deposits.

Dahil dito, hinimok ni Ancheta ang mga residente at iba pang lumahok sa isinagawang pagbabarikada na alamin hindi lamang ang kanilang mga karapatan kundi maging ang kanilang mga responsibilidad sa ilalim ng batas.

Mahalaga rin aniyang tiyakin kung naaayon sa batas ang anumang hakbang na ginagawa upang tutulan ang isang proyekto, kabilang ang mga kilos na maaaring makaapekto sa pagpasok ng mga pribadong indibidwal o maging ng mga government officials sa lugar.

Binigyang-diin ni Ancheta na mas mainam na idaan sa dayalogo at tamang proseso ang mga hinaing at makipag-ugnayan sa MGB at Department of Environment and Natural Resources o DENR upang makakuha ng tamang impormasyon at malinawan sa mga legal na proseso kaugnay ng mining activities sa lugar.