Ikinatuwa ng ilang modernized jeepney driver at pasahero ang nagpapatuloy na service contracting program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roderick Vinluan, isang modernized jeepney driver, nakatutulong umano ang programa sa kanilang kita at sa pagbibigay ng mas abot-kayang pamasahe para sa mga commuter, lalo na sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs), na may hanggang 40% na diskwento, habang 20% naman ang para sa mga regular na pasahero.
Ayon sa kanya, may natatanggap silang kita mula sa LTFRB sa ilalim ng service contracting scheme na tinatayang umaabot sa humigit-kumulang ₱4,000 para sa itinakdang distansya o operasyon. Malaking tulong ito upang mabawasan ang kanilang gastos sa diesel na umaabot sa halos ₱2,000 kada araw.
Gayunman, sinabi rin ng driver na hanggang Biyernes lamang kada linggo ang kasalukuyang implementasyon ng programa sa kanilang ruta, kaya umaasa silang mapalawig pa ito o maipatupad sa iba pang ruta ng pampublikong transportasyon.
Ayon sa mga operator at driver, mahalaga ang tiyaga at araw-araw na operasyon sa kalsada upang mapanatili ang kanilang kita habang patuloy na nakakatulong sa mga pasahero.










