--Ads--

Arestado ang isang lalaki na kabilang sa listahan ng mga most wanted person matapos madakip ng mga awtoridad sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang akusado sa alyas na “Rod,” 23-anyos, isang construction helper at residente ng naturang barangay.

Nadakip ang akusado sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police Station, PDEA Isabela Provincial Office, at iba pang yunit ng pulisya.

Ayon sa ulat, inaresto si alyas Rod sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 22 Cauayan City kaugnay sa kasong robbery with force upon things.

--Ads--

Nagtakda ang korte ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado na nagkakahalaga ng P70,000.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang akusado habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa kanyang paglilipat sa kulungan.