--Ads--

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard o PCG na hindi overloaded ang MV June Aster nang masunog ito sa Coron, Palawan at nakapasa rin sa mga itinakdang safety inspection.

Sa press briefing, sinabi ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na nasa manifest ng barko ang 117 pasahero at 17 crew o kabuuang 134 katao.

Mas mababa ito sa maximum passenger capacity ng barko na 333 katao. Gayunman, hindi inaalis ng PCG ang posibilidad na may iba pang pasaherong sakay na hindi nakalista sa manifest.

Ayon kay Cayabyab, sapat din ang life jackets na sakay ng barko. May ilang survivor lamang na hindi nakasuot nito nang sila ay mailigtas dahil mabilis umanong kumalat ang apoy, habang ang ilan ay agad na tumalon sa dagat matapos ang pagsabog.

--Ads--

Noong Hunyo 10, sumailalim din ang MV June Aster sa Emergency and Readiness Evaluation na kinabibilangan ng firefighting drill at nakapasa ito.

Patuloy namang hinahanap ng PCG ang kapitan ng barko na iniulat ng shipping company na buhay ngunit wala sa listahan ng mga survivor. Ayon sa Coast Guard, may pananagutan ang kapitan kaugnay sa insidente.

Hindi pa rin tukoy ang sanhi ng sunog na sinasabing nagsimula sa cargo hold.

Sa pinakahuling ulat, hindi bababa sa 35 katao ang kumpirmadong nasawi, 54 ang nawawala at 43 ang nakaligtas.