Kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea ang umano’y pagpasok ng isang Chinese maritime militia vessel at 22 sampan sa karagatang sakop ng Kota Island sa Palawan, kung saan iniulat ang ilegal na pangingisda at pagtatapon ng basura sa dagat.
Ayon sa NTF-WPS, idineploy ng Chinese Maritime Militia Vessel 9622 ang 22 sampan malapit sa isla noong Oktubre 9. Isa sa mga ito ang naiulat na lumapit nang hanggang 250 metro mula sa baybayin.
Nang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, katuwang ang Philippine Marine Corps at Philippine Navy, umano’y inikutan at pinalibutan ng barkong Tsino ang kanilang mga bangka. Iginiit din umano ng kapitan nito na teritoryo ng China ang lugar at pinapaalis ang mga Pilipinong tauhan.
Gayunman, umalis din ang lahat ng barkong Tsino sa karagatang sakop ng isla matapos ang pagtugon ng mga Pilipinong tauhan.
Binigyang-diin ng NTF-WPS na bahagi ng bayan ng Kalayaan sa Palawan ang Kota Island at nasa ilalim ng soberanya ng Pilipinas ang nakapaligid na karagatan nito. Anila, labag sa mga batas ng bansa ang umano’y hindi awtorisadong pangingisda sa lugar.
Ayon pa sa task force, ito na ang ikalawang naiulat na insidente na kinasasangkutan ng kaparehong barkong Tsino, matapos magdeploy ng 24 na sampan malapit sa isla noong Setyembre 28.
Tiniyak ng NTF-WPS na patuloy nitong susuportahan ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagprotekta sa teritoryo at karapatang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea.









