--Ads--

Tuluyan nang isinara ni Naga City Mayor Leni Robredo ang posibilidad na muling tumakbo sa pambansang posisyon sa 2028 elections, kabilang ang pagkapangulo at pagkasenador, sa kabila ng patuloy na panawagan ng ilang dating kaalyado at tagasuporta.

Sa isang press conference sa Naga City nitong Lunes, Nobyembre 9, iginiit ni Robredo na matagal na niyang napagdesisyunan na hindi na babalik sa national government at wala nang makapagpapabago sa kaniyang pasya.

Ipinaliwanag ng alkalde na hindi rin niya itinuturing na paghahanda para sa mas mataas na posisyon ang kaniyang kasalukuyang panunungkulan sa lokal na pamahalaan.

Binigyang-diin din niyang kahit hindi na siya maghangad ng ikalawang termino bilang alkalde ng Naga City, hindi ito nangangahulugang babalik siya sa pambansang pulitika.

--Ads--

Inamin din ni Robredo na batay sa kaniyang sariling pagtatasa, may mga limitasyon siya sa pagharap sa masalimuot na takbo ng pambansang pulitika.

Bagama’t naniniwala siyang kaya niyang gampanan ang tungkulin sa national government, sinabi niyang nangangailangan ito ng sapat na political savvy upang mapangasiwaan hindi lamang ang trabaho kundi maging ang mas malawak na usaping pulitikal sa bansa.

Sa halip na muling tumakbo, sinabi ni Robredo na bukas siyang sumuporta sa ibang indibidwal na sa kaniyang pananaw ay may kakayahan at karapat-dapat mamuno sa bansa.

Matatandaang nagsilbi si Robredo bilang bise presidente mula 2016 hanggang 2022 at tumakbo sa pagkapangulo noong 2022 elections, kung saan natalo siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Noong 2025, bumalik siya sa lokal na pulitika at nahalal bilang alkalde ng Naga City.

Sa kabila ng patuloy na pagkakaugnay ng kaniyang pangalan sa mga posibleng kandidato sa 2028 presidential race, nilinaw ni Robredo na nais niyang ituon ang kaniyang panahon at pagsisikap sa paglilingkod sa mga residente ng Naga City sa halip na muling sumabak sa pambansang pulitika.