Patuloy na sinisiyasat ng Echague Police Station ang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa kanilang nasasakupan na naitala noong nakaraang araw.
Sa nasabing insidente, lumalabas na nakaparada sa harap ng isang billiard establishment sa Echague, Isabela, ang motorsiklo ni Alyas Ben nang bigla itong mawala.
Agad na inalerto ang PNP sa insidente kung saan naaresto ang suspek matapos siyang masangkot sa aksidente sa Bayan ng San Agustin, Isabela at narekober ang motor ni alyas Ben na Suzuki Raider.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ivy Barrera, ang Deputy Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niya na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at inaalam na rin kung may kinabibilangang grupo ang suspek na tumangay ng motorsiklo.
Batay sa paunang imbestigasyon, hindi nakahelmet ang suspek nang mangyari ang aksidente, ngunit nasa stable nang kondisyon ang kalagayan nito habang ginagamot sa ospital.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung ang Honda TMX ay tunay na pag-aari ng suspek o kung ito rin ay posibleng nakaw.
Sa ngayon, wala pang nakikitang dating rekord ang suspek batay sa paunang pagsusuri ng pulisya. Gayunman, hindi pa isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na may kaugnayan ito sa iba pang grupo na sangkot sa pagnanakaw ng mga motorsiklo.
Paalala naman ng pulisya sa mga motorista na tiyaking naaalis ang susi sa kanilang mga motorsiklo at maayos na naipaparada ang mga ito upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.











