Aabot na sa 22 katao ang nasawi habang tatlo pa ang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at ng southwest monsoon o habagat na nakaapekto sa mahigit 4.8 milyong Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) alas-6:00 ng umaga noong Agosto 15, umabot sa 1.4 milyong pamilya o humigit-kumulang 4.8 milyong indibidwal ang naapektuhan sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Pinakamaraming nasawi sa Benguet na may 15 na biktima, kabilang ang sampu sa Baguio City, tatlo sa Atok at dalawa sa La Trinidad. Lahat ng mga nasawi sa lalawigan ay iniugnay sa mga pagguho ng lupa.
Tatlo rin ang naitalang nasawi sa Rizal, kung saan dalawa ang namatay sa Rodriguez dahil sa rockslide at isa sa Antipolo matapos mabagsakan ng puno.
Sa Batangas, tatlo rin ang nasawi kabilang ang isang nalunod sa Batangas City, isang nakuryente sa Lipa City at isang namatay dahil sa landslide sa Santa Teresita.
Samantala, isang katao naman ang nasawi sa bayan ng Luna sa La Union dahil sa pagkalunod.
Naitala rin ng NDRRMC ang 17 sugatan, kabilang ang 12 sa Benguet, dalawa sa Abra at tig-iisa sa Ilocos Sur, Rizal at Cavite.
Tatlo pa rin ang nawawala, kabilang ang tig-isang residente mula sa Alaminos, Pangasinan; Candelaria, Quezon; at Batangas City.
Dahil sa sama ng panahon, umabot sa 1,818 kabahayan ang napinsala kung saan mahigit 1,600 ang bahagyang nasira at 173 ang tuluyang nawasak.
Tinatayang nasa ₱3.33 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang umabot naman sa ₱689.7 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Nagtayo rin ng 395 evacuation centers na pansamantalang kumukupkop sa mahigit 14,600 pamilya o halos 44,700 indibidwal.
Sa ngayon, umaabot na sa ₱592.5 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad habang nagpapatuloy ang response at relief operations ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.











