Magpapatupad ang Department of Education o DepEd ng nationwide simultaneous school safety drill para sa active attacks sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Martes, Agosto 25, kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Layunin ng naturang drill na mapalakas ang kahandaan at pagtugon ng mga paaralan sa posibleng active shooting at iba pang pag-atake sa pamamagitan ng preventive planning, emergency response at koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya.
Inatasan din ng DepEd ang mga paaralan na bumuo, magsuri o mag-update ng kanilang School Contingency Plan para sa Active Attack Incidents. Kabilang dito ang classroom security measures, evacuation routes, safe rooms, family reunification areas at emergency communication procedures.
Dapat ding ibahagi ang naturang plano sa local government units, Philippine National Police at parent-teacher associations. Inatasan naman ang mga paaralan na i-activate ang kanilang School Disaster Risk Reduction and Management teams at makipag-ugnayan sa PNP, Philippine Army, Bureau of Fire Protection at local disaster risk reduction and management offices.
Layunin ng DepEd na matiyak ang maagap at maayos na pagtugon ng mga paaralan sakaling magkaroon ng banta o aktwal na pag-atake upang maprotektahan ang mga estudyante, guro at iba pang kawani.











