--Ads--

Ilalahad ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa impeachment court ang resulta ng imbestigasyon ng ahensya kaugnay ng umano’y assassin na sinasabing kinontrata ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ito ang sinabi ni prosecution team legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. kaugnay ng nakatakdang pagharap ni Matibag sa impeachment court sa Hulyo 21 sa pagpapatuloy ng paglilitis kay Duterte.

Ayon kay Tolosa, ilang ulit umanong naitanong sa testigong si NBI Regional Director Jeremy Lotoc noong nakaraang linggo ang tungkol sa umano’y assassin na binanggit ni Duterte, ngunit hindi na saklaw ng Cybercrime Division ang naturang bahagi ng imbestigasyon.

Dahil dito, sinabi niyang si Matibag ang magbibigay-linaw sa kabuuang imbestigasyong isinagawa ng NBI hinggil sa usapin.

--Ads--

Iginiit ni Tolosa na naipakita na ng prosekusyon ang pagkakaroon ng isang taong umano’y nakausap ni Duterte kaugnay ng banta laban sa Pangulo, First Lady at dating Speaker, batay aniya sa mismong mga pahayag ng Bise Presidente sa kanyang online press conference noong Nobyembre 23, 2024.

Ayon pa sa abogado, ang naturang pahayag ay maituturing na “admission against interest,” na isa umanong mahalagang uri ng ebidensya sa ilalim ng Rules of Court.

Sinabi rin ni Tolosa na nagkaroon umano ng pagkakataon si Duterte na linawin o bawiin ang kanyang mga naging pahayag, ngunit sa mga sumunod na pagharap nito sa media ay hindi umano niya ito binawi.

Aniya, sa halip ay ipinaliwanag lamang ng Bise Presidente ang kanyang naging pahayag ngunit hindi itinanggi ang sinasabing pagkakaroon ng nakausap na tao.

Inaasahan naman ng prosekusyon na mabibigyang-linaw ni Matibag ang naging resulta ng imbestigasyon ng NBI kaugnay ng naturang usapin sa kanyang pagharap sa impeachment court.