--Ads--

Nakahanda na ang National Bureau of Investigation (NBI) na magpadala ng team sa Laos upang makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad at mangalap ng impormasyon kaugnay ng pagkakasamsam ng malaking kargamento ng shabu, ngunit hinihintay pa ang pahintulot ng pamahalaan ng Laos.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa pamahalaan ng Laos at Department of Foreign Affairs (DFA) bago isagawa ang planong imbestigasyon.

Nilinaw ni Matibag na hindi layunin ng NBI na arestuhin sa Laos ang suspek, kundi alamin ang mga pangyayari sa likod ng pagpapadala ng ilegal na droga at tukuyin kung sino ang nag-book at nakipag-ugnayan para maisagawa ang shipment.

Ipinaliwanag ni Matibag na nakabatay sa prinsipyo ng territoriality sa batas kriminal ang pag-uusig sa isang krimen, kung saan karaniwang nililitis ang isang paglabag sa bansang pinangyarihan nito, alinsunod sa mga naaangkop na batas.

--Ads--

Gayunman, sinabi niyang mahalagang matukoy kung sino ang nasa likod ng pag-aayos ng kargamento at kung may mga indibidwal sa Pilipinas na konektado sa operasyon.

Plano rin ng NBI na kapanayamin ang taong inaresto sa Laos, gayundin ang mga awtoridad doon na nagsagawa ng pag-aresto, upang makakuha ng karagdagang impormasyon at matukoy ang mga posibleng ugnayan sa Pilipinas.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang NBI sa iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan habang hinihintay ang go signal ng Laos para maisagawa ang kanilang misyon.