Iginawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon o ganap na kapatawaran kay Mary Jane Veloso, na halos 15 taon na nakulong sa Indonesia matapos mahatulan ng kamatayan dahil sa drug trafficking.
Kinumpirma mismo ng Pangulo na nilagdaan niya kahapon ang pardon para kay Veloso sa isang ambush interview sa Guiuan, Eastern Samar.
Si Veloso ay inaresto sa Indonesia noong 2010 matapos madiskubreng may 2.6 kilos ng heroin sa maleta na dala niya. Patuloy niyang iginiit na wala siyang alam sa laman ng maleta at biktima siya ng human trafficking.
Noong 2015, ilang oras bago ang nakatakda niyang execution sa pamamagitan ng firing squad, ipinagpaliban ang pagbitay sa kanya matapos siyang hilinging manatiling buhay upang maging testigo laban sa umano’y kanyang mga recruiter.
Noong Disyembre 2024, nailipat si Veloso sa Pilipinas sa ilalim ng kasunduan ng Pilipinas at Indonesia, kung saan ipinasa sa Pilipinas ang hurisdiksyon sa natitira niyang sentensiya, kabilang ang kapangyarihang magbigay ng clemency.
Dahil sa absolute pardon, matatapos na ang natitira niyang parusa at maibabalik ang kanyang mga karapatang bilang mamamayang Pilipino.











