Biniberipika na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ulat na namataan si Senador Ronald dela Rosa sa isang yate patungo sa hindi tinukoy na probinsya.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, posibleng layunin ng naturang impormasyon na iligaw ang mga awtoridad na nakatutok sa operasyon para sa pag-aresto sa senador.
Ito ay kasunod ng kinakaharap na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y papel nito sa madugong kampanya kontra droga ng Duterte administration.
Sinabi ni Matibag na posibleng misinformasyon lamang ang kumakalat na ulat.
Matatandaang mula nang napaulat ang pag-alis ni dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14, ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado, ay hindi na ito muling nagpakita sa publiko.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang nationwide manhunt laban kay dela Rosa.











