--Ads--

Magsasampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dating kongresista na si Mike Defensor kaugnay ng umano’y ugnayan nito sa isang KTV bar at hotel sa Pasig City na ni-raid dahil sa hinihinalang human trafficking.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, batay sa kanilang pagsusuri ng mga dokumento kabilang ang floor plans ng mga establisimyento, lumalabas na may kinalaman umano si Defensor sa mga aktibidad na sinasabing may kaugnayan sa human trafficking.

Giit ni Matibag, alam umano ni Defensor ang mga nangyari bilang chairman ng kumpanyang may-ari ng naturang hotel at KTV bar.

Noong Abril, nagsampa na rin ang NBI ng hiwalay na reklamo laban sa asawa at anak ni Defensor, matapos mapag-alamang ang kanyang asawa ang presidente ng kumpanyang nagmamay-ari ng hotel.

--Ads--

Ayon pa sa NBI, may mga pagbabago umano sa disenyo ng gusali na hindi tugma sa orihinal na plano na isinumite sa city engineer’s office. Kabilang dito ang paglipat ng entrance ng KTV at ilang hallway, gayundin ang koneksyon ng hagdan mula sa unang palapag ng KTV papunta sa hotel.

Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Defensor hinggil sa bagong mga paratang. Nauna na ring itinanggi ng kanyang asawa ang mga alegasyon at sinabing bahagi lamang ito ng umano’y paninira laban sa kanila.