--Ads--

Mariing itinanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na siya ay nasugatan matapos umanong makipagbuno sa mga ahente ng ahensya.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, walang katotohanan ang alegasyon ng senador. Aniya, sa halip na makipagsabayan, itinulak pa umano ni Dela Rosa ang dalawang babaeng NBI agent nang tangkaing ihain sa kanya ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) bago siya tumakas.

Nilinaw din ni Matibag na hindi totoo ang sinasabing tinackle o sinaktan ang senador, dahil may tinatayang tatlong metro ang layo ng mga ahente mula sa kanya nang maganap ang insidente.

Giit pa ng NBI, maituturing na “evading arrest” ang ginawang pagtakas ng senador mula sa mga operatiba na magsisilbi sana ng warrant.

--Ads--

Ayon sa ahensya, natanggap nila ang ICC warrant noong Lunes ng umaga at agad na nakipag-ugnayan sa Senado, na noon ay nasa ilalim pa ng pamumuno ni dating Senate President Vicente Sotto III.

Dagdag pa ng NBI, nakatanggap din sila ng intelligence report na posibleng dadalo si Dela Rosa sa sesyon ng Senado kaya’t nagtalaga sila ng humigit-kumulang 40 personnel sa loob at labas ng gusali para sa operasyon.