--Ads--

Umakyat na sa pito ang bilang ng mga Pilipinong nasugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac.

Sa nasabing bilang, isa ang nasa kritikal na kondisyon, dalawa ang nananatili sa intensive care unit (ICU), habang apat naman ang nagtamo ng minor injuries at nakalabas na ng ospital.

Ayon kay Cacdac, patuloy na mino-monitor ng DMW at ng Migrant Workers Office (MWO) kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kalagayan ng mga nasugatan. Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga pamilya ng mga biktima upang matiyak ang pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta.

Naganap ang pag-atake sa gitna ng tumitinding tensiyon sa rehiyon matapos ang mga pag-atakeng iniugnay sa grupong Houthi sa Yemen. Batay sa mga ulat ng international media, mahigit 300 katao ang nasugatan at mahigit isang dosena ang nasawi sa pag-atake sa paliparan noong Oktubre 10.

--Ads--

Dahil sa insidente, nagkaroon din ng kanselasyon at pagkaantala ng mga biyahe sa Riyadh. Pinayuhan ng DMW ang mga Pilipino at overseas Filipino workers (OFWs) na tiyaking kumpirmado ang kanilang flight schedules sa mga airline bago magtungo sa paliparan at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad.