Asahan ng mga consumer ng kuryente sa Luzon, Visayas at Mindanao ang mas mataas na singil sa electric bill ngayong Agosto matapos tumaas ang transmission charge para sa Hulyo 2026 billing period.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), umakyat ng 22.22% ang transmission rate sa P1.7560 kada kilowatt-hour (kWh) mula sa P1.4367 kada kWh noong nakaraang buwan.
Sinabi ng NGCP na pangunahing dahilan ng pagtaas ay ang malaking pag-akyat ng ancillary services (AS) rates, o ang gastos para sa reserbang suplay ng kuryente na ginagamit upang mapanatiling matatag at maaasahan ang power grid.
Tumaas ng 30.85% ang AS rate mula P0.7941 kada kWh noong Hunyo patungong P1.0391 kada kWh sa Hulyo billing period.
Nilinaw naman ng NGCP na wala itong kinikita mula sa ancillary service charges dahil direktang ipinapasa ang mga bayad na ito sa mga power generation company at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP).
Samantala, tumaas din ang transmission wheeling rate, o bayad sa paghahatid ng kuryente sa pamamagitan ng transmission grid, mula P0.5044 kada kWh noong Hunyo patungong P0.5436 kada kWh noong Hulyo.
Dahil dito, inaasahang mararamdaman ng mga consumer ang pagtaas ng transmission-related charges sa kanilang mga electric bill ngayong buwan.










