--Ads--

Muling binuksan ng NIA-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang mga pangunahing irrigation canals ngayong araw upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa mga sakahan kasunod ng pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat Dam Reservoir.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niya na umabot na sa 168.32 meters above sea level (MASL) ang water elevation ng Magat Dam Reservoir nitong umaga.

Ayon sa kanya, naitala ang average inflow o dami ng tubig na pumapasok sa reservoir sa 420.26 cubic meters per second (cms), habang nasa 15.81 cms naman ang average outflow o tubig na inilalabas nito.

Ipinaliwanag ni Engr. Ablan na malaking ambag sa pagtaas ng lebel ng tubig ang mga pag-ulang dala ng Habagat at ng mga nagdaang sama ng panahon na nakaapekto sa Region 2 at sa watershed area ng Magat Dam.

--Ads--

Dahil sa pagtaas ng reservoir level, inaasahan nilang maaabot na ng patubig ang lahat ng service areas na sakop ng NIA-MARIIS ngayong cropping season, na malaking tulong sa mga magsasakang umaasa sa irigasyon para sa kanilang mga pananim.

Samantala, pansamantalang sinuspinde ang cloud seeding operations ng Department of Agriculture at Philippine Air Force dahil sa patuloy na pag-ulan, ngunit agad itong ipagpapatuloy kapag kinailangan upang mapanatili ang sapat na suplay ng tubig sa dam.

Patuloy namang minomonitor ng NIA-MARIIS ang kalagayan ng reservoir upang matiyak ang maayos na pamamahala ng tubig para sa kasalukuyan at mga susunod na panahon ng taniman.