Magsasagawa ng replanting activity ang National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS sa nasunog na Magat Plantation sa Barangay Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya kasunod ng mga insidente ng sunog noong Marso 3 at 7, 2026.
Naitala ang dalawang insidente ng sunog na tumupok sa humigit-kumulang 66.6 ektarya ng taniman ng mga puno tulad ng narra, molave, at eucalyptus sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Alfredo Flores Jr., Chief ng NIA-MARIIS Watershed Management Section, sinabi na ang naunang sunog sa kanilang proyekto noong 2023 ay nagdulot ng tinatayang P1.1 milyong halaga ng pinsala.
Samantala, ang pinakahuling insidente ng sunog ay nagresulta naman sa tinatayang P1.7 milyong halaga ng nasirang pananim at imprastruktura sa plantasyon.
Matapos ma-validate ang lawak ng pinsala, nakatakda nang magsagawa ng replanting activity ang ahensya upang maibalik ang nasirang watershed area at mapanatili ang ecological balance sa lugar.
Target na simulan ang pagtatanim sa panahon ng tag-ulan upang matiyak ang mataas na survival rate ng mga punong itatanim at mas mabilis na paglago ng mga ito.
Bahagi rin ng plano ng NIA-MARIIS ang paglalagay ng solar-powered water pump sa lugar na magsisilbing karagdagang suplay ng tubig at maaaring gamitin sa pag-apula ng sunog kung sakaling magkaroon muli ng insidente.
Pinaghihinalaan ng ahensya na posibleng sinadya ang pagsunog sa lugar, bagamat patuloy pa ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi at mga posibleng responsable sa insidente.
Aniya malaki ang epekto nito sa Magat Watershed dahil matatagalan na naman ang reforestation ng lugar na upang maiwasan ang soil errosion.











