CAUAYAN CITY – Bagamat hindi inaasahan ang malakas na epekto ng bagyo ay naghahanda pa rin ang pamunuan ng NIA MARIIS sakaling tumaas ang lebel ng tubig sa Magat Dam dahil sa mga watershed areas nitong maapektuhan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Josue Sabio, ang Acting Dept. Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na upang maiwasan na ang nangyari noong nakaraang bagyong Ulysses na malapit na sa spilling level ang tubig sa Dam ay pinayagan na nila ang Aboitiz na dagdagan ang kanilang Power Generation at itatapon na lamang sa ilog ang tubig na magagamit dahil hindi naman kakayanin kung ibubuhos lahat sa irrigation canal.
Nagsagawa na sila ng preemptive release sa kanilang power generation kahapon upang mabawasan ang kasalukuyang lebel ng tubig sa reservoir para sa maaaring pagdami ng bababang tubig mula sa mga watershed areas na maaapektuhan ng dulong bahagi ng bagyo.
Sa kasalukuyan ay nasa 182 meters above sea level na ang elevation ng tubig sa Magat Dam.
Malakas ang pag ulang nararanasan sa watershed areas ng dam tulad sa Nueva Vizcaya kaya mabilis ang pagtaas ng lebel ng tubig sa dam.
Ayaw na umano nilang masisi pa sakaling tumaas ang lebel ng tubig sa dam kagaya ng nangyari noong pagdaan ng bagyong Ulysses.
Sa kasalukuyan ay wala pang nakatakdang release o pagbukas ng mga spillway ng dam ang NIA MARIIS dahil kaya pa ng dam ang lebel ng tubig at wala pang abiso ang PAGASA.











