--Ads--

Naaresto ng mga awtoridad ang No. 3 Provincial Most Wanted Person sa lalawigan ng Isabela sa isinagawang implementasyon ng warrant of arrest sa Brgy. District 3, San Manuel, Isabela, bandang 2:30 ng hapon nitong Agosto 1.

Kinilala ang naaresto na si alyas “Ben,” 28-anyos, walang asawa, walang trabaho, at residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Matagumpay na ipinatupad ng mga operatiba ng San Manuel Police Station ang warrant of arrest laban sa akusado na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Batay sa rekord, walang inirekomendang piyansa para sa kasong paglabag sa Section 5, habang may inirekomendang piyansang ₱200,000 para sa kasong paglabag sa Section 11.

--Ads--

Matapos ang operasyon, dinala ang akusado sa San Manuel Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pansamantalang kustodiya bago iharap sa hukuman na nagpalabas ng warrant of arrest.Patuloy namang hinihikayat ng Isabela Police Provincial Office ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga wanted na personalidad at iba pang lumalabag sa batas upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.