--Ads--

Nakaalerto na ang Office of Civil Defense (OCD) para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gaganapin sa Lunes, Hulyo 27.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD Spokesperson Junie Castillo, sinabi nitong nananatiling umiiral ang Blue Alert Status na unang in-activate kasabay ng pagpasok ng Bagyong Kiyapo at magtutuloy hanggang sa matapos ang pagdaraos ng Ulat sa Bayan ng Pangulo.

Ayon kay Castillo, sa ilalim ng Blue Alert Status ay 24 oras na nakaoperasyon ang operations center ng OCD upang tuloy-tuloy na mabantayan ang sitwasyon sa iba’t ibang lugar at mapanatili ang mahigpit na koordinasyon sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.

Bilang lead agency ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), patuloy umanong sinusuri at mino-monitor ng OCD ang mga real-time report na isinusumite ng mga miyembrong ahensya, partikular ang mga nasa security sector.

--Ads--

Layunin ng naturang paghahanda na matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa panahon ng SONA.