--Ads--

Inihayag ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 na pinaigting na nito ang paghahanda laban sa mga epekto ng El Niño, malalakas na pag-ulan at iba pang kalamidad sa pamamagitan ng Task Force El Niño at pagpapatayo ng mas matitibay na evacuation centers.

Sa isang press conference, sinabi ni OCD Region 2 Director Albert Mogol na binuo na ang Task Force El Niño na pinangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Aniya, nakatuon ang iba’t ibang cluster sa pagtugon sa food security, water security, energy security, health at public safety upang mabawasan ang epekto ng matinding tagtuyot sa mga komunidad.

Samantala, ibinahagi rin ni Mogol na sa ilalim ng Ligtas Pinoy Center Act, may bago nang disenyo ang mga evacuation center na kayang makayanan ang hanggang magnitude 8.5 na lindol.

Aniya, aabot ng ₱75 milyon ang halaga ng bawat evacuation center dahil sa mas matibay na istruktura at mga karagdagang pasilidad tulad ng generator set at solar power system.

--Ads--

Aniya, kinakailangan ding dumaan sa pagsusuri ng Mines and Geosciences Bureau at magkaroon ng Environmental Compliance Certificate mula sa DENR ang mga lugar na pagtatayuan ng mga pasilidad.

Dagdag pa ng opisyal, prayoridad sa kasalukuyan ang pagpapatayo ng bagong evacuation center sa bayan ng Maconacon, Isabela, habang ang Technical Working Group na pinamumunuan ng DPWH ang nagsasagawa ng pagpili sa mga lugar na unang makikinabang sa proyekto.

Binigyang-diin ni Mogol na layunin ng mga hakbang na ito na higit pang mapalakas ang kahandaan ng mga komunidad sa Region 2 laban sa iba’t ibang panganib na dulot ng kalamidad.