Posibleng bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo matapos humupa ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa pandaigdigang presyo ng langis.
Ayon kay Department of Energy–Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, unti-unti nang humuhupa ang epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan, dahilan upang makitaan ng bahagyang pagbaba ang presyo ng langis sa nakalipas na apat na araw.
Batay sa paunang pagtataya ng DOE, maaaring bumaba ng P0.80 kada litro ang gasolina, P0.50 kada litro ang diesel, at P2.30 kada litro naman sa kerosene.
Ayon naman sa isang source mula sa oil industry, posibleng umabot sa P1.00 hanggang P1.50 kada litro ang rollback sa gasolina, habang P0.50 hanggang P1.00 kada litro naman sa diesel.
Paliwanag ng ahensya na matapos umakyat sa mahigit $100 kada bariles ang presyo ng Brent crude oil dahil sa pangamba sa suplay mula sa Gitnang Silangan, humina ang presyo nang magkaroon ng pag-asa sa tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Gayunpaman, nananatiling limitado ang inaasahang rollback dahil mahigpit pa rin ang balanse ng suplay at demand para sa diesel at gasolina.
Inaasahang iaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment sa Lunes, na ipatutupad kinabukasan.











