--Ads--

May kabuuang 42 testigo na ang Office of the Ombudsman sa isinasagawang case-building laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, kabilang sa 42 ang 28 bagong testigo at 14 na dating bodyguard ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Ipinaliwanag ni Clavano na kailangan ang mga bagong testigo upang mapabulaanan ang mga pagbawi sa naunang testimonya o recantation ng ilang testigo.

Gayunman, sinabi ni Clavano na hindi nakatuon ang Ombudsman sa dami ng mga testigo kundi sa bigat at kredibilidad ng kanilang mga pahayag.

--Ads--

Patuloy ding susuriin ng tanggapan ang mga orihinal na affidavit at ang mga sumunod na recantation upang matukoy kung alin sa mga pahayag ang tumutugma sa katotohanan.

Ayon kay Clavano, hindi awtomatikong nabubura ng recantation ang naunang testimonya dahil mananatili itong bahagi ng records at ihahambing sa bagong affidavit.

Maaari rin umanong magbukas ng karagdagang mga tanong ang mga pagbawi sa testimonya, partikular kung may iregularidad o posibleng panunuhol na sangkot.

Samantala, itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon at sinabing handa siyang dumaan sa legal na proseso upang patunayan na wala siyang ginawang paglabag sa batas.