--Ads--

Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naghahanda ang kanyang tanggapan ng kasong plunder laban sa dating House Speaker Martin Romualdez at dating Senate President Francis Escudero kaugnay ng umano’y iregularidad sa pambansang badyet na nakaugnay sa kontrobersya sa flood control projects.

Ayon kay Remulla, posibleng maisampa ang kaso sa Mayo ngayong taon. Binanggit niya na may elemento ng sabwatan sa mga alegasyon at maaaring madawit ang ilang mambabatas mula sa parehong kapulungan, pati na rin ang ilang opisyal ng Department of Budget and Management.

Nakatuon ang imbestigasyon sa proseso ng pagbuo ng pambansang badyet, partikular kung paano ito ipinasok sa Kongreso at ipinatupad sa mga proyekto. Saklaw nito ang 2024 at 2025 budget, ngunit maaari ring bumalik hanggang sa termino ni dating Speaker Lord Allan Velasco mula 2020 hanggang 2022.

Sinabi ng abogado at tagapagsalita ni Romualdez na si Ade Fajardo na wala pang kasong naisampa at handa silang makipagtulungan kung may pormal na proseso. Iginiit niyang walang ebidensya na nag-uugnay kay Romualdez sa mga ghost o substandard projects.

--Ads--

Samanatala, wala pang pahayag ni Sen. Escudero ngunit sa mga naunang pagkakataon ay itinanggi rin niya ang anumang kaugnayan sa mga iregularidad sa flood control projects.

Nagbabala rin si Remulla na posibleng masuspinde si House Secretary General Cheloy Garafil dahil sa umano’y patuloy na pagtanggi sa mga subpoena ng Ombudsman hinggil sa paglalabas ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ng mga mambabatas.

Samantala, humarap si Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan matapos bumalik mula sa kanyang biyahe sa Hong Kong, Macau, at Japan noong Holy Week. Si Estrada ay nahaharap pa rin sa 11 kaso ng graft kaugnay ng umano’y maling paggamit ng kanyang PDAF mula 2004 hanggang 2010, bagama’t naabsuwelto na siya sa kasong plunder noong Enero 2024.