--Ads--

Pinalalapit ng pamahalaang lungsod ng Santiago ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa publiko sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang one-stop shop government center sa lungsod.

Ayon kay Mayor Sheena Tan-Dy, layunin ng proyekto na pagsama-samahin sa iisang lokasyon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabawasan ang abala, pila, at gastusin ng mga mamamayan sa pagkuha ng serbisyo.

Sinabi ng alkalde na patuloy nang ini-establish ang nasabing government center sa Forlins area kung saan unti-unti nang inililipat ang mga tanggapan ng iba’t ibang ahensya.

Sa kasalukuyan, nakapuwesto na sa lugar ang Land Transportation Office o LTO, habang inaasahan namang madaragdagan pa ito ng iba pang ahensya sa mga susunod na araw.

--Ads--

Kabilang sa planong magbukas ngayong buwan ng Mayo, kasabay ng selebrasyon ng Balamban Festival, ang National Bureau of Investigation o NBI, kung saan maaari nang kumuha ng clearance ang publiko sa nasabing lokasyon.

Dagdag pa rito, inaasahan ding magkakaroon ng tanggapan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Highway Patrol Group, at Professional Regulation Commission para sa iba pang serbisyo tulad ng pagre-renew ng lisensya ng mga propesyonal.

Ayon kay Mayor Tan-Dy, sa pamamagitan ng one-stop shop government center ay mas mapapabilis at magiging mas episyente ang pag-access ng publiko sa mga serbisyong kailangan nila.