
CAUAYAN CITY – Isinusulong ngayon sa panglunsod na konseho ng Cauayan ang isang ordinansa na pagkakaroon ng sariling hearse vehicle.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Sangguniang Panglunsod member Edgardo Atienza, author ng naturang panukala na noong barangay kapitan siya ay isa sa naging problema niya kapag may namatay na kanyang kabarangay sa ibang lugar ang mahal na transportasyon dahil bawal namang ikarga sa ambulansya ang mga namatay na.
Dahil dito, naisipan niyang magkaroon ng sariling hearse vehicle ang lunsod para hindi mamahalan ang mga mamamayan na may kamag-anak na namatay sa ibang lugar at gustong iuwi sa lunsod.
Mahal aniya ang bayad ng hearse vehicle pero kung magkaroon na ng sariling sasakyan ang lunsod ay kaunti na lamang ang magagastos ng mga gagamit.
Kung magkaroon man ito ng pondo ay dadalhin din sa mga funeral parlors para magamit sa pag-aayos sa labi ng mga residente sa lunsod na namatay sa ibang lugar.
Sa ngayon ay nasa second reading na ang kanyang panukala at tiyak niyang maipapasa ito dahil gusto rin ito ng mga opisyal ng lunsod dahil para rin ito sa nakararami.
Aniya, naging katuwang niya ang Rescue 922 at city legal office sa paggawa ng mga guidelines.
Ayon kay Sangguniang Panglunsod member Atienza, sakali man ay magagamit din ito para dalhin sa crematorium sa Pampanga o sa ibang lugar na may crematorium ang mga ipapacremate na namatay.
Bukod dito ay puwede rin itong gamitin para maiuwi ang mga labi ng mga namatay na Overseas Filipino Workers o OFWs sa ibang bansa.
Ayon sa kanya, may hearse vehicle rin ang pamahalaang panlalawigan pero siniserbisyuhan nito ang lahat ng lokal na pamahalaan sa Isabela kaya mas magandang magkaroon ng sarili ang lunsod para mabawasan ang binibigyan ng serbisyo ng pamahalaang panlalawigan.
Icoconvert aniya ang isang ambulansya ng Rescue 922 na maging hearse vehicle.
Aniya, hindi ito pansamantala lamang dahil lamang nasa pandemya ang bansa dahil katunayan ay 2019 pa ng mabanggit niya ito sa mga kapwa niya opisyal sa lunsod matapos na magkaroon ng proposal sa kongreso.










